Panimula
Naranasan niyo na ba ang mawala? Iyong hindi mo alam kung nasaan ka at mangiyak-ngiyak ka na sa kakahanap ng mga makatutulong sa iyo?
Ako, naranasan ko na.
Noong bata pa ako, sinanay ako ng mga magulang ko na kabisaduhin lahat ng detalye na makatutulong sa akin sa panahon na mawala man ako.
Iyong mga impormasyon tulad ng pangalan ko, pangalan nila, saan kami nakatira, ilang taon na ako at saan ko sila huling nakita. Mahalaga raw iyon dahil iyon lang ang makatutulong sa akin para makabalik sa kanila.
Sinasabihan ako lagi na mag-ingat pero manatiling mapagkumbaba. Huwag lalabas kapag hindi nagpapaalam. Huwag makipag-usap sa mga hindi kilala.
Pero kahit na ganoon, sinasabihan din nila ako na hindi masamang humingi ng tulong kung kinakailangan. Na kahit maraming masama sa mundo, dapat isa ako sa magpapakita ng kabutihan sa kapwa ko.
Dahil sa oras na ako ang makakita ng batang nawawala, dapat handa akong tanungin kung anong pangalan noong bata, ng mga magulang niya, saan siya nakatira at saan niya sila huling nakita.
Lagi man akong pinapaalalahanan ng ganoon, hindi ko pa rin matanto sa utak ko kung bakit ganito ako ngayon. Laging mag-isa, walang kausap, at hindi nakikita.
Akala ko noon kapag lalabas ka lang ng bahay saka ka lang mawawala pero hindi pala. Sa sarili mong pag-iisip pwede ka pa rin palang malito, masaktan, at maligaw sa kung saan-saan.
Nalaman ko na kapag ako na mismo ang dahilan kung bakit hindi ko alam kung nasaan ako, hindi ko magagamit ang mga itinuro sa akin dahil wala akong malalapitan at walang magtatanong. Ang makikita ko lang ay ang dilim at mga sarili kong demonyo.
Lagi akong nawawala. Nawawala sa mga panaginip ko.
Comments
Post a Comment